“Ala e”, dalawang salita na may apat
na letra, ngunit dito pa lamang ay alam na alam mo na at kilala mo na kung sino
at taga-saan ang nagsalita. Dahil sa salitang ito matutukoy na agad ng mga
taong galing ibang bayan o lalawigan na isang BatangeƱo o BatangeƱa ang
pinanggalingan ng salita. Isa lamang ito sa mga halimbawa ng mga salitang
nagpapakita ng pagkakaiba-iba ng wika ng lipunan.
Ako bilang isang kabataan at
estudyante ng modernong panahon ngayon, isang palaisipan sa akin ang mga
salitang karaniwang sinasabi ng mga matatanda sa aming komunidad, at mapapasabi
na lang na “huh?” Ipinapakita lamang nito ang napakalaking pagbabago o
transpormasyon ng ating wika mula noon hanggang ngayon. Mga nakagawiang wika
noon na hindi na alam ng mga kabataan sa ngayon.
Isa sa mga natutunan ko sa mga
magulang ko na natutunan din nila sa kanilang mga magulang ay ang pagiging
maasikaso sa bisita. Kapag may bisita dapat ay: (1) papasukin sa bahay,
pa-upuin agad, at ipagtimpla ng kape o kung ano mang maiinom o makakain. (2)
Kung makikitulog man sa bahay, dapat sila ang nasa kama at kayo sa banig (kung
mahalagang panauhin). (3) Huwag hahayaang gumawa ng gawaing bahay dahil sila ay
bisita. (4) Dapat hindi sila ma-OP o Out
of Place sa bahay niyo. At maraming-marami pang ibang kasunod na halos
lahat ay pumapabor sa komportableng katayuan ng bisita.
“Sinsay muna”, ibig sabihin tuloy
muna o daan muna dito. Uso din sa aming komunidad ang bigayan ng ulam sa
pagitan ng mag-kakapit-bahay. Hindi rin masyadong uso ang cellphone sa
matatanda kaya minsan kapag may itatanong sa kapitbahay, isisigaw na lang. At
dahil malayo ang aming komunidad sa palengke o pamilihan, karamihan ng mga
namamalengke na taga-amin na walang sasakyan o motor ay naglalakad o nasakay sa
kabayo para lamang makarating sa pamilihan na halos apat na kilometro ang layo.
Hindi lalampas sa lima ang mga
mayroong four wheeler na sasakyan sa
amin kaya karaniwan na ang motor o single
bilang midyum ng transportasyon. Maswerte ka kung may sarili kayong sasakyan,
at mamimili ka na lang kung magbabayad ka ng lampas limampung piso o maglalakad
ka ng kilo-kilometro. Iilang tao rin ang mayroong kakayahang makapag-print o nakakapag-research kaya masasabi kong mapalad na ako. Kaya sobrang hanga ako
sa mga kabataan dito sa amin na piniling magtiis sa ilang kilometro ng
paglalakad para lamang makapasok ng sekondarya, at ito na rin ang isa sa
dahilan kung kaya marami ring kabataan ang pinipiling tumigil sa pag-aaral.
Kahit na masasabi kong malayo kami
sa kabihasnan ay hindi naman ito naging hadlang para lumaganap ang mga
makabagong salita. Ngunit sandali tayong magbalik tanaw sa mga salitang tunay
na sariling atin.
Ang
mga salitang ito ay nakuha ko sa pamamagitan ng aking ina na si Marcela P.
Nolasco, limamput tatlong (53) gulang. Ayon sa kanya ay narinig nya ang mga
salitang ito mula sa kanyang kabataan. (1) Tabaan, isang dahon na panglinis sa
plato. (2) Tabayag, gulay na upo. (3) Bilawo o bilao isang bilog na mistulang
nakahabi. (4) Tayod, isang uri ng bilaran o lagayan ng mga palay para paarawan.
(5) Balawang isang kawayan na may dulos (panggamas/pangtabas) sa dulo. (6) Plangganita,
isang lagayan ng kanin/ulam. (7) Balde isang container o lagayan ng tubig (8) Pang-iwang tawag sa anumang dahon
na pangpahid sa pwet kapag napadumi sa gubat. (9) Kawa, isang malaking talyasi
o lutuan. (10) Lagnas, isang tuyong ilog o ilat o creek sa ingles. (11) Bay-ong ang tawag sa lagayan ng manok. (12) Balaong,
isang lagayan ng palay. (13) Halo, ito ang tawag sa kahoy na pambayo sa lusong.
(14) Lusong ang tawag sa bayuhan ng kape, palay, mais at iba pa. (15) Banga o tapayan,
isang lagayan ng tubig kung saan napapanatili ang natural na lamig nito. (16)
Buboy, ito ang tawag sa palaman para sa unan na parang bulak. (17) Ayangaw,
isang uri ng matibay na kahoy na karaniwang ginagamit sa mga paggagawa ng
muwebles. (18) Bungbong ang tawag sa kawayan na lagayan ng tubig galing bukal.
(19) At ang takure naman ay ang kawayan na lagayan ng inuming tubig. At napakarami
pang ibang mga halimbawa ng mga salitang hindi karaniwan sa pandinig ng ilang
mga taga-ibang bayan.
Makikita at masasalamin na bawat
bayan o lalawigan ay may napakayamang kultura na nakagisnan na ng ating mga
ninuno na ipinasa sa mga sumunod na henerasyon. Ngunit hindi rin maikakaikala
ang mabilis na pagpawi ng mga salitang at nakagawiang ito sa panahong moderno
ngayon. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay ang pagkamatay ng tradisyunal na wika
kundi ang pagkakaroon o pagkabuhay ng isang bagong nabuong wika. Ibig sabihin
ang wika ay hindi nababawasan kundi nadadagdagan lamang, ngunit mayroon pa ring
malaking posibilidad na mamatay ang mga wikang nakasaad sa itaas at iba pang
sinauang wika kung patuloy na hindi ito gagamitin at kung sa mga panahong ito
ay paunti na ng paunti ang gumagamit o nagsasalita ng ganito.
Kaya patuloy nating pagyamanin at
gamitin ang ating katutubong wika, hindi lamang para sa ibang tao kundi para na
rin sa sarili nating bansa at sa ating sarili.